Iimbestigahan na ng Hong Kong Football Association (HKFA) ang umano'y kaso ng pang-aabuso sa mga Pilipinong nanood ng laban sa pagitan ng Hong Kong at Philippine Azkals sa Mong Kok Stadium noong Martes.
Sa naturang FIFA friendly match, tinalo ng Azkals sa kauna-unahang pagkakataon ang Hong Kong, 1-0.
Kasabay nito, naglabasan ang mga report hinggil sa paninigaw at pagmumura ng mga taga-Hong Kong sa mga Pilipinong nandoon.
Tinawag pa umano ng mga taga-Hong Kong na "alipin" ang mga Pilipino bukod pa sa umano'y pambabastos sa Pambansang Awit ng Pilipinas.
Ayon sa report ng Associated Press, maglalabas ang HKFA ng opisyal na report matapos ang imbestigasyon na isusumite rin sa FIFA.
Ang FIFA ang international governing body ng football at ayon na rin sa batas na pina-iiral nito, papatawan ng mahigpit na parusa ang isang koponan kapag nasangkot ang mga tagasuporta nito sa "discriminatory behavior."
Sinabihan na ni Philippine Football Federation (PFF) President Mariano "Nonong" Araneta si Philippine Azkals team manager Dan Palami na magsumite ng report.
Pero dumipensa na ang Hong Kong fans.
Sa opisyal na pahayag ng TPOHK (The Power of Hong Kong), sinabi nitong hindi umano nila binastos ang Pambansang Awit ng Pilipinas.
Katunayan anila, mismong mga Pilipino ang tila nanunukso sa mga Hong Kong fans.
Sinabi pa ng TPOHK na ilang beses gumawa ng bastos na hand gestures ang mga Azkals players na sina OJ Porteria at Stephan Schrock.
Sa report ng AP, binanggit din na ilan sa mga mamamayan ng Hong Kong ay masama pa rin ang loob sa mga Pilipino.
Bunsod ito ng nangyaring Manila Hostage Crisis noong 2010 kung saan walong Hong Kong tourists ang napatay,
Maging sa pahayag ng TPOHK, binabanggit ang nangyaring insidente tatlong taon na ang nakalilipas: "For many people in Hong Kong, the scar still very much remains, especially when the Philippines has yet to offer any substantive apology in this matter. As such, it was unavoidable that emotions will run high in a match like this with this as a background."
No comments:
Post a Comment